[ PORTAL ] [ APPS ] [ LOGIN ]

FORGOT YOUR PASSWORD?

*

Official Website of Tayabas City

City Cacao Growers

Isang seminar tungkol sa paggawa ng organic fertilizer ang dinaluhan ng mga miyembro ng Tayabas City Cacao Growers Association. Ito ay isinagawa nitong Hunyo 30, 2017 sa Tayabas Integrated Farm and Research Center (TIFARC) na matatagpuan sa Barangay Masin.

Pauna dito, sa pambungad na pananalita ng technical adviser ng grupo na si Binibing Realyn V. Castro, Agricultural Technologist ng City Agriculture Office, malugod niyang ipinabatid na naaprubahan na ng Department of Social Welfare and Development ang Cash for Work para sa isasagawang pagtatayo ng nursery ng asosasyon.

Sa pananalita naman ni Ginoong Joel Alpay, Focal Person at Cacao Provincial Coordinator, ipinag-bigay alam niya ang mga requirements upang makatanggap ng mga libreng cacao seedlings; 1) Kailangang maging miyembro ng isang registered organization ng mga cacao growers, 2) Dapat ay sumasama sa mga ginaganap na seminar sa kadahilanan na rin na ipinatutupad ang “No training, no seedling” na polisiya, 3) Dapat ang taniman ay may mga nakaantabay ng butas na pagtataniman ng cacao seedlings at ang panghuli, 4) Dapat ang lugar na pagtataniman ay sumailalim sa soil analysis.
Nagbigay din siya ng tips sa pagpapalaki ng mga puno ng cacao. Ayon sa kanya ay mainam na panatilihin lamang ang puno sa taas na limang talampakan (5 ft.) at regular na mag-pruning para makontrol ang mga peste. Ipinarating din niya na libre ang magpa-soil analysis sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Si Ginang Concepcion C. Cabriga, Agricultural Technologist, ang nagsagawa ng pagse-seminar at actual na demonstrasyon kung paano gumawa ng mga organic fertilizer na may pangunahing sangkap na molasses.
Ipinakita niya ang aktwal na paggawa ng Indigenous Micro Organism (IMO) kung saan isang kanin na pinaamagan sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw ang pangunahing sangkap na ihahalo sa molasses. Paghahaluin ang mga ito sa loob ng isang container at tatakpan ng manila paper saka tatalian at ilalagay sa isang lugar na hindi naaarawan sa loob ng isang linggo. Pagkatapos ng isang linggo ay sasalain at kukunin ang katas ng IMO at ito ang magsisilbing organic fertilizer.

fShare
0
Official Website of Tayabas City
TOP