[ PORTAL ] [ APPS ] [ LOGIN ]

FORGOT YOUR PASSWORD?

*

Official Website of Tayabas City

Tayabas Eco-Park at ang RA 9003

 

Nitong nakaraang Hunyo 1 ay isang ocular inspection ang isinagawa ng “PULOT-PUKYUTAN” sa Tayabas Eco-Park na matatagpuan sa Barangay Pandakaki, Tayabas City.

Ang Tayabas Eco-Park ay may kabuuang sukat na 3.8 ektarya at dito rin matatagpuan ang proposed sanitary landfill na may sukat na 50 x 100 meters at 5 – 10 meters na lalim. Ito ay tinatayang magagamit bilang imbakan ng basura ng siyudad sa loob ng sampung taon.

Sa kasalukuyan ay inaantay nalang ang pag-apruba ng Solid Waste Commission ng Department of Environment and Natural Resources upang ganap at opisyal nang magamit ang proposed sanitary landfill.

Nasa Eco-Park din ang Central Materials Recovery Facility (Central MRF). Dito iniipon ang mga basura tulad ng plastic, bote, bakal, karton, papel at iba pang mga basura na maaaring i-recycle.

Sa nasaksihan ng “PULOT-PUKYUTAN”, pagdating palang ng dump truck sa Eco-Park ay inihihiwalay na agad ang mga basura para sa MRF. May mga kababaihan naman na nagse-segregate ng mga basura na mapupunta sa MRF. Kasunod namang ihihiwalay ang mga basurang nabubulok at ang matitira ay ang mga residual waste na siya namang ilalagay sa sanitary landfill.

Ang mga basura sa MRF ay mga recyclable na puwede pang gawan ng paraan upang maaari pang gamiting muli. Halimbawa ay ang mga babasaging bote o mga plastic na idadaan sa mga makinaryang gilingan upang ang mga ito ay magamit muli.

Ang mga kinikita sa pagre-recycle ng mga basurang ito ay pinaghahatian naman ng mga dump truck drivers, garbage collectors at mga manggagawa sa Eco-Park.

Ang mga nabubulok na basura naman ay ginagawang mga organic fertilizer na pagkatapos dumaan sa proseso ay isinasako at ginagawang pag-ayuda sa ating mga kababayang mga magsasaka.

Sa panayam naman kina Ginoong Romeo Cariaga, OIC – Eco-Park at Engineer Lorenzo Guano, Focal Person – Eco-Park, ang proseso naman di-umano sa paggamit ng sanitary landfill ay ang paglalagay muna ng mga residual waste saka ito tatabunan ng lupa. Uulit-ulitin lang ang prosesong ito hanggang sa mapuno ang sanitary landfill.

Oras na mapuno umano ang sanitary landfill ay hindi na ito maaaring hukaying muli. Maari naman daw umano itong taniman ng mga halamang namumulaklak. Hindi muna ito maaring taniman ng mga halamang namumunga ng gulay o prutas dahil sa mga toxic waste na nakabaon dito.

Dahil nga sa pagtutulungan nina Cariaga, Guano at kanilang mga tauhan na maisa-ayos muli ang Eco-Park ay inilagay na ng DENR sa listahan ng mga complying LGU ang Lungsod ng Tayabas.

Samantala, patuloy pa ring isinasagawa ng Ecological Solid Waste Management Unit ang Seminar and Workshop on RA 9003 known as Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Nauna na itong dinaluhan ng mga representante mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod at nito ngang Hunyo 6 ay ang mga representante naman mula sa iba’t-ibang establisyemento ng lungsod ang dumalo dito.

Tinatalakay dito ang “Updates on the Current Situation of Solid Waste Management in the City of Tayabas”, “RA 9003 known as Ecological Solid Waste Management Act of 2000” at “Activities and Operations at Ecoloical Park”. Bahagi rin sa seminar na ito ang Planning Workshop, Plenary and Open Discussion / Forum.

Ang mga nagtitinda naman sa Pamilihang Bayan ng Lungsod ng Tayabas ang nakatakdang sunod na sumailalim sa kawangking seminar at workshop na ito.

Pinapayuhan ang mga residente ng lungsod na patuloy na paghiwalayin ang mga nabubulok at di-nabubulok na basura at palaging panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran.

 

 

 

 

 

 

fShare
0
Official Website of Tayabas City
TOP