PORMAL NANG BINUKSAN ANG TAYABAS OPD MEDICAL CLINIC matapos isagawa ang Blessing and Inauguration Ceremony ngayong Martes, June 30, 2026.
Pinangunahan ni Mayor Piwa Lim ang makasaysayang seremonya ng opisyal na pagbubukas ng Tayabas OPD Medical Clinic sa Brgy. Mateuna, na naghuhudyat sa patuloy na pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa Lungsod ng Tayabas.
Ang Tayabas OPD Medical Clinic ay 24-hour, 7-days-a-week, non-emergency clinic na pinangangasiwaan ng City Health Office at nagbibigay ng mga libreng pagsusuri, konsultasyon, mga serbisyo sa laboratory at pharmacy.
Personal na ibinahagi ni Mayor Piwa Lim ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa katuparan ng isa sa kanyang matagal nang hangarin para sa lungsod na pagkakaroon ng sariling outpatient medical clinic na magsisilbing karagdagang sandigan ng mga mamamayan sa oras ng kanilang pangangailangang pangkalusugan. Ibinahagi din niya ang kanyang pangako na magkaroon ng sariling hospital ang Lungsod ng Tayabas na posibleng itayo katabi ng Tayabas OPD Medical Clinic, at ito ay malapit nang simulan.
Taos-puso ding nagpasalamat ang alkalde kina Governor Doktora Helen Tan at Congressman Mark Enverga dahil sa mga ibinigay at ibibigay pang suporta lalo na sa itatayong infirmary hospital.
Ang pagbubukas ng nasabing pasilidad ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas na mailapit ang dekalidad, maaasahan, at mas mabilis na serbisyong medikal sa bawat Tayabasin.
Dumalo rin sa pasinaya si Konsehal Rizza Llaneta, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Health, na nagpahayag ng pasasalamat sa lahat ng naging katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto. Nakiisa rin sina City Administrator Voltaire Dela Cruz, Konsehal Carmelo Cabarrubias, Konsehal Luz Cuadra, Konsehal Elsa Rubio, Konsehal Dino Romero, Konsehal Jerry Caagbay, Konsehal Jerry Talaga, Konsehal Ana Obispo, at SK Federation President Ren Miguel Obdianela.
Pinangunahan ni Msgr. Dennis Imperial ang panalangin at pagbabasbas sa Tayabas OPD Medical Clinic bilang hudyat ng opisyal nitong pagbubukas.
Naging bahagi rin ng programa si Quezon 1st District Representative Chief of Staff Zaldy Gariguez. Nakiisa din ang mga Punong Barangay ng Lungsod ng Tayabas.
Nagbigay rin ng mensahe si City Health Officer Dr. Hernando Marquez, na siyang mangunguna sa pangangasiwa ng pasilidad upang matiyak ang maayos at episyenteng paghahatid ng serbisyong medikal sa publiko.
Ipinahayag din ni DOH-Quezon Provincial Team Leader Dr. Juvy Paz Purino ang patuloy na suporta ng Department of Health sa mga programang pangkalusugan ng Lungsod ng Tayabas, bilang bahagi ng layuning mapalawak ang akses ng bawat mamamayan sa dekalidad na serbisyong medikal.
Higit pa sa isang gusali, ang Tayabas OPD Medical Clinic ay sumisimbolo sa patuloy na pagtupad ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas sa pangakong pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng bawat Tayabasin. Isa itong konkretong hakbang tungo sa isang masaya, mapayapa at maunlad na Tayabas.