SANDAAN LABINWALUNG (118) MOTORISTA ANG NATIKETAN BUNSOD NG IBA'T IBANG TRAFFIC VIOLATIONS. SAMANTALANG DALWAMPU’T LIMANG (25) TRICYCLE ANG NA-IMPOUND dahil sa kakulangan ng mga kaukulang dokumento sa magkakasunod na operasyon kontra-kolorum na inilatag ng mga tauhan ng OCM–Traffic Operations Section noong buwan Hunyo 2026.
Pinangunahan ni Executive Assistant Francis Pasno ang mga tauhan ng OCM-TOS at Tayabas Component City Police Station na nagsagawa ng panghuhuli sa mga traffic violators sa iba’t ibang panig ng Lungsod ng Tayabas. Mas pinaigting ng tanggapan ang kampanya ng pamahalaang lokal laban sa mga colorum na sasakyan at iba pang lumalabag sa batas trapiko na nagresulta sa aprehensyon at issuance ng citation tickets sa mga lumalabag sa Republic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009. Gayundin, ang mga namamasada nang walang kaukulang prangkisa o kolorum.
Hindi rin nakaligtas ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan na nahuli at natiketan dahil sa hindi pagsunod sa batas.
Ayon sa OCM–Traffic Operations Section, wala silang pinipili kahit pa empleyado ito ng lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Tayabas dahil layunin ng operasyon na mapanatili ang kaayusan sa lansangan, at mapasunod sa mga itinakdang batas at regulasyon ang mga motorista at pasahero.
Muling pinaalalahanan ng tanggapan ang mga tricycle drivers at operators na kumuha ng kaukulang prangkisa kung sila ay namamasada, sapagkat mas malaki ang multa at abalang dulot ng paglabag kumpara sa pagsunod sa mga itinakdang proseso ng pamahalaan.
Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko para sa mas ligtas at maayos na daloy ng transportasyon sa Lungsod ng Tayabas.