MULING NAGLATAG NG OPERASYON KONTRA KOLORUM ang mga tauhan ng OCM–Traffic Operations Section sa pangunguna ni Executive Assistant Francis Pasno sa mga pangunahing lansangan sa bahagi ng Barangay Ipilan at Barangay San Roque Zone-I ngayong Huwebes, July 23, 2026.
Umabot sa tatlumpu't pitong (37) motorista ang naisyuhan ng citation tickets dahil sa iba't ibang paglabag sa batas trapiko, habang pitong (7) sasakyan, kabilang ang mga tricycle at motorsiklo, ang na-impound resulta ng nasabing operasyon.
Hindi rin nakaligtas ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan na nahuling lumalabag sa batas trapiko kaya sila ay nabigyan ng citation tickets at papatawan ng multa. Ayon sa OCM–Traffic Operations Section, walang sinuman ang exempted sa pagpapatupad ng batas, maging empleyado man ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas.
Layunin ng operasyon na mapanatili ang kaayusan sa lansangan at matiyak ang mahigpit na pagsunod ng lahat ng motorista at pasahero sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Karamihan sa naisyuhan ng citation tickets ay lumabag sa Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, partikular ang hindi pagsusuot ng tamang helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo. Gayundin ang mga tricycle drivers na namamasada nang walang kaukulang prangkisa o kolorum, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na mga regulasyon ng lokal na pamahalaan.
Ang mga nahuling sasakyan ay pansamantalang naka-impound sa New Tayabas City Hall habang isinasagawa ang kaukulang proseso kaugnay ng kanilang mga paglabag.
Muli pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga tricycle drivers at operators na kumuha ng kaukulang prangkisa bago bumiyahe. Mas mabuting sumunod sa itinakdang proseso kaysa maharap sa mas mabigat na multa at abalang dulot ng paglabag.
Patuloy ang panawagan ng Pamahalaang Lungsod ng Tayabas sa lahat ng motorista na maging disiplinado at sumunod sa batas trapiko upang matiyak ang ligtas, maayos, at episyenteng daloy ng transportasyon sa lungsod.