591 TAYABASING KABILANG SA INDIGENT FAMILIES, TUMANGGAP NG ₱2,000 BUWANANG CASH ASSISTANCE SA ILALIM NG UPLIFT PROGRAM
Limandaan siyamnapu't isang (591) Tayabasing kabilang sa mga indigent families ang tumanggap ng buwanang cash assistance na nagkakahalaga ng ₱2,000 sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transportation (UPLIFT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), noong Lunes, Agosto 3, 2026. Tatanggap ang mga benepisyaryo ng nasabing halaga sa loob ng anim (6) na buwan.
Nakiisa sa pamamahagi ng ayuda si Mayor Piwa Lim, na nagpahayag ng kanyang suporta sa programa at hinikayat ang mga benepisyaryo na gamitin ang natanggap na tulong-pinansyal para sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga programang naglalayong mapagaan ang araw-araw na pamumuhay ng mga Tayabasin.
Pinangunahan ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office, katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa pangunguna ni CSWDO Head Irma Ilocario, ang maayos at sistematikong pamamahagi ng cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang UPLIFT Program ay isa sa mga inisyatiba ng DSWD na naglalayong magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang higit na nangangailangan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kabuhayan at kalidad ng buhay ng bawat mamamayan.