SA BUONG BUWAN NG SETYEMBRE 2026, UMABOT SA SANDAAN ANIMNAPU’T APAT (164) NA MOTORISTA ANG NATIKETAN dahil sa iba’t ibang traffic violations. Labimpitong (17) sasakyan naman ang na-impound dahil sa kakulangan ng kaukulang dokumento, kabilang ang limang (5) colorum na tricycle. Ito ay resulta ng magkakasunod na operasyon kontra-kolorum na isinagawa ng OCM–Traffic Operations Section (TOS) noong nakaraang buwan.
Pinangunahan ni Executive Assistant Francis Pasno ang mga tauhan ng OCM-TOS, katuwang ang Tayabas Component City Police Station, sa pagsasagawa ng operasyon at panghuhuli sa mga traffic violators sa iba’t ibang panig ng Lungsod ng Tayabas.
Mas pinaigting ng tanggapan ang kampanya ng pamahalaang lokal laban sa mga colorum na sasakyan at iba pang lumalabag sa batas trapiko. Kabilang sa mga nahuli at nabigyan ng citation ticket ang mga lumabag sa Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, gayundin ang mga namamasada nang walang kaukulang prangkisa o permit.
Samantala, dalawampu’t tatlong (23) motorista ang natiketan at nilagyan ng tire lock ang kanilang mga sasakyan dahil sa illegal parking. Umabot naman sa dalwampu’t limang (25) truck drivers ang nabigyan ng citation ticket dahil sa paglabag sa umiiral na truck ban sa Lungsod ng Tayabas.
Hindi rin nakaligtas sa pagpapatupad ng batas ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na nahuling lumalabag sa mga itinakdang traffic regulations. Ayon sa OCM–Traffic Operations Section, wala silang pinipili sa pagpapatupad ng batas, maging empleyado man ng lokal na pamahalaan, sapagkat layunin ng mga operasyon na mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan at matiyak ang pagsunod ng lahat ng motorista at pasahero sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Muling pinaalalahanan ng tanggapan ang mga tricycle driver at operator na kumuha ng kaukulang prangkisa kung sila ay namamasada. Mas mainam ang pagsunod sa itinakdang proseso ng pamahalaan kaysa harapin ang mas malaking multa, abala, at iba pang kaukulang parusa dulot ng paglabag.
Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko at umiiral na mga regulasyon upang mapanatili ang mas ligtas, maayos, at disiplinadong daloy ng transportasyon sa Lungsod ng Tayabas.