Dumulog sa tanggapan ni Mayor Piwa Lim ang mga maninindahan sa Tayabas Public Market Wet (Meat and Fish) Section upang iparating ang hinaing tungkol sa paglipana ng mga illegal na nagtitinda ng fresh meat at sea produce sa labas ng palengke, na anila ay labag sa itinatatakda ng Market Ordinance at Local Revenue Code.
Humarap sa pulong ang mga tauhan ng Business Permits and Licensing Office at ang pinuno nito na si Mark Jay Sumilang upang mailatag ang mga hakbang tungkol sa pagsugpo sa kalakarang ito.
Matapos ang maikling pulong ay agad na nagtungo sina Mayor Piwa Lim, Konsehal Riza LLaneta, mga tauhan ng BPLO at kinatawan ng City Veterinary Office sa tinutukoy na lugar kung saan laganap ang nasabing illegal na pagtitinda ng karne, isda at iba pang lamang-dagat. Pinakiusapan ng alkalde ang mga nasabing nagtitinda na kumuha ng pwesto sa pamilihang bayan. Magpalista lang aniya upang mabigyan ng priority sa allocation ng slot sa wet section ng pamilihan.
Nakatakda namang magsagawa ng pulong sina Mayor Piwa Lim at ang mga tauhan ng BPLO at City Veterinary Office ngayong hapon ng Biyernes, December 19, 2025, upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang upang mapigilan ang illegal na pagtitinda at matulungan ang mga magtitindang ito na hindi mawalan ng hanapbuhay.