Maagang nagsagawa ng motorcade ang mga trak ng bumbero, mga sasakyan ng BFP-Tayabas City Fire Station at mga tauhan nito sa mga pangunahing kalye ng Lungsod ng Tayabas upang ipabatid sa mga mamamayan ang pagsisimula ng taunang Fire Prevention Month na may temang “Obligasyon sa Bayan Para sa Ligtas na Pamayanan,” Linggo, March 1, 2026.
Ang unang araw ng Marso ang hudyat sa pagsisimula ng taunang Fire Prevention Month, na naglalayong bawasan ang bilang ng mga sunog sa panahon ng tag-init at tagtuyot.
Matapos ang motorcade ay agad na isinagawa sa New Tayabas City Hall grounds ang seremonya ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas, at pagbibigay ng pagkilala sa mga nakatuwang na ahensya sa paglulunsad ng fire prevention month at sa mga aktibidad kaugnay nito.
Kabilang sa mga binigyang-pakilala ang Tayabas Component City Police Station, Tayabas City Disaster Risk Reduction and Management Office, Tayabas City Information and Community Relations Office, Philippine Air Force, OCM-Traffic Operations Section, Tayabas Community Hospital, Inc., Kamayan sa Palaisdaan, Unihealth-Quezon Medical Center, City Schools Division of the City of Tayabas, KABALIKAT, CRIMEWATCH, Lucena Sales Gas at mga barangay na nakiisa sa mga aktibidad ng Bureau of Fire Protection-Tayabas City Fire Station.
Nagpaabot naman ng suporta si Mayor Piwa Lim sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Crisostomo Abrigo sa Fire Prevention Month celebration ng Bureau of Fire Protection-Tayabas Fire Station at sinabing “lahat tayo ay dapat kumilos at sumuporta laban sa sunog, hindi lang bawat sarili natin kundi sa buong pamayanan.”
Ang Bureau of Fire Protection-Tayabas City Fire Station ang nag-organisa ng programa sa pangunguna ni BFP-Tayabas Fire Station Chief FSINSP Morris Callejo.