Aabot sa 2,300 rice farmers mula sa iba’t ibang barangay ang nakatanggap ng fertilizer sa isinagawang Turn-Over of Agricultural Intervention sa Lakawan Gymnasium ngayon Huwebes, March 5, 2026.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Piwa Lim sa mga ahensyang naging katuwang ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pagsuporta sa mga magsasaka ng Lungsod ng Tayabas. Aniya, “ang kahalagahan ng sapat na tulong at makabagong interbensyon ang magpapanatili ng mataas na produksyon ng palay at gulay sa Tayabas.”
Pinangunahan ni City Agriculturist Rommel Abuyan ang pamamahagi ng humigit kumulang animnalibong sako ng complete fertilizer at ammosul plus foliar fertilizer buhat sa Department of Agriculture sa pamamagitan ni Congressman Mark Enverga sa 2,300 rice farmers na Tayabasin.
Layunin ng intervention na suportahan ang sektor ng agrikultura sa Tayabas, lalo na ang mga sakahan ng palay. Tumanggap naman ang Samahan ng Sipag Kamaysa ng assorted vegetable seeds at abono na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga taniman.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Office of the Quezon 1st District Representative Chief of Staff Zaldy Gariguez, Konsehal Jerry Talaga, Konsehal Gerry Caagbay, Konsehal Ana Obispo, Konsehal Riza Llaneta, Konsehal Luz Cuadra, Grace Lacorte bilang kinatawan ni Vice Mayor Oro Dalida, at Agriculturist-I Jeric Macariola ng Department of Agriculture-Agricultural Program Coordinating Office - Quezon Province.
Patunay ang katatapos na aktibidad ng patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng pambansang ahensya upang higit pang mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapanatili ang seguridad sa pagkain sa Lungsod ng Tayabas.