Upang higit na maliwanagan sa tunay na dahilan ng matagal na pagkawala ng daloy ng tubig, at kung anong hakbang ang isinasagawa ng pamunuan, ipinatawag ni Mayor Piwa Lim para dumalo sa pulong ang pamunuan ng Primewater-Quezon Metro kaharap ang mga apektadong residente ng Southgate Subdivision, Sangguniang Barangay ng Calumpang, at mga kinatawan ng Tayabas Community Hospital, Inc. noong Lunes, April 6, 2026.
Humarap din sa pulong na naganap sa OCM-Conference Room sina Konsehal Jerry Talaga, City Administrator Atty Voltaire Dela Cruz, City Legal Officer Atty. Christopher G. Juniar, GSO Cecil Potestades at dating Konsehal Farley Abrigo kung saan naging mainit ang talakayan tungkol sa pagkawala ng tubig sa ilang barangay sa Lungsod ng Tayabas na ayun sa Primewater ay sanhi ng mga sirang linya ng tubig sa mga naapektuhang lugar.
Sa nasabing pulong, nilinaw ni Atty. Vicente M. Joyas, Chairman of the Board of Directors ng QMWD na WALANG KINALAMAN SA OPERASYON NG PRIMEWATER-QUEZON METRO ANG LGU-TAYABAS O ANG SINUMANG LOCAL ELECTED OFFICIALS dahil ang mga water districts sa Pilipinas ay pinamamahalaan ayun sa itinatakda ng Presidential Decree No. 198, also known as the "Provincial Water Utilities Act of 1973.” Dagdag pa niya, ang appointing authority sa pagtatalaga ng mga miyembro ng Board of Directors ay naaayon sa bilang ng mga concessionnaires sa isang lugar, kung kaya ang City Mayor ng Lucena ang siyang nagtatalaga nito dahil sa kasalukuyan, ang Lucena ang may pinakamaraming bilang ng concessionnaires kumpara sa Tayabas at Pagbilao.
Ito ang naging paliwanag sa pahayag ng isang residente ng Calumpang na aniya dapat makialam ang lokal na pamahalaan sa operasyon ng Primewater dahil DAW may “share sa income” na nakukuha ang Lungsod ng Tayabas. Bagay na binigyang-linaw sa paliwanag ni Attorney Joyas.
Sa huli ay humingi ng paumanhin ang Primewater-Quezon Metro Tayabas Branch sa aberyang nagdudulot ng kalbaryo sa mga apektadong lugar at anila ay agarang isasaayos ang mga sirang tubo upang masolusyonan ang problemang ito.
Ipinahayag naman ni Mayor Piwa Lim na nakahandang umalalay ang lokal na pamahalaan sa mga magiging hakbang para masulosyunan ang problema sa kakulangan ng tubig.