Matagumpay na naisagawa ang pampublikong pagdinig sa kahilingan ng Tayabas Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (TFTODA) kaugnay ng Kapasyahang Magsampa ng Petisyon ng Dagdag Pamasahe sa Tricycle, at Kapasyahang Magsampa ng Petisyon na Magkaroon ng Fuel Subsidy na pinangunahan ng SP Committee on Franchises, Transportation, Communication and Information Technology, Parking and Utilities sa pamumuno ni Committee Chair Councilor Janne Phaula Nadres noong Martes, April 7, 2026, sa New Satellite Market.
Ayon kay Konsehal Phaula Nadres, “Ang layunin po ng pagdinig na ito ay pakinggan ang inyong mga hinaing, mungkahi at saloobin hinggil sa panukalang pagtataas ng pamasahe, gayundin ang kahilingan para sa fuel subsidy mula sa Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Tayabas. Batid po ng inyong mga kasamahan lalo’t higit si Mayor Anthony “Kuya Piwa” Lim ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing gastusin na direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng ating mga tsuper at operators. Nais po ng Konseho na magkaroon tayo ng makatarungan at balanseng desisyon, isang pasyang makabubuti sa ating mga mananakay ngunit makatutulong din sa ating mga namamasada.”
Nagpasalamat ang komitiba sa lahat ng dumalo sa Pampublikong Pandinig lalo na sa mga kinatawan mula sa hanay ng mga tricycle drivers and operators, mga miyembro ng transport sector, mga mananakay at iba pa., maging sa kanilang mga kapwa lingkod-bayan.
Nangako ang konsehal na makakaasa ang taumbayan na bilang tagapangulo ng transportasyon kasama ang mga nag-aaral na komitiba kabilang ang Pangalawang Tagapangulo Konsehal Jerry Caabay at kasapi na si Konsehal Riza Llaneta at ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod na bukas sila sa mga mungkahi at handang maglatag agad ng mga hakbang upang mabigyan ng agarang solusyon ang mga pangangailangan ng kinauukulang sektor.
Sa pamamagitan aniya ng maayos at bukas na talakayan, umasa ang publiko na makabubuo ng mga polisiya at programang tunay na makatutugon sa pangangailangan ng transport sector at ng buong komunidad.
Kabilang sa mga dumalo sina Konsehal Manny Maraig, Konsehal Dino Romero, Konsehal Elsa Rubio, PKB President Conrado Aragon, City Legal Officer Atty. Christopher Juniar, TCCPS Chief LtCol Elizabeth Capistrano, Acting City Treasurer Jerson Palambiano, BPLO Mark Jay Sumilang, Assistant City Treasurer Benilda De Guzman, OCM-Traffic Operations Section Francis Pasno, at Grace Lacorte ng Office of Vice Mayor Oro Dalida.