Umabot sa limampu’t anim (56) na koponan buhat sa iba't ibang lugar ang lumahok sa kauna-unahang Tayabas Football Festival na inorganisa ng Tayabas Football Club noong May 30-31, 2026, sa Luis Palad Integrated High School Oval Field.
Naging panauhin sa palaro si Mayor Piwa Lim na nagpahayag ng suporta sa kauna-unahang football festival sa Lungsod ng Tayabas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sports sa paghubog ng disiplina, pagkakaisa, at malusog na pamumuhay ng mga kabataan.
Binubuo ng pitong kategorya ang kompetisyon, kabilang ang Under 7, Under 10, Under 13, Under 15, Under 17, Open Category for Men, at Open Category for Women na nilahukan ng mga manlalarong may hilig at talento sa larong football.
Layunin ng torneyo na higit pang palaganapin ang larong football at mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan at atleta na maipakita ang kanilang kakayahan sa naturang laro. Naging makabuluhang pagkakataon din ito upang maipamalas ng mga kalahok ang kanilang husay, lakas, at dedikasyon bilang mga atleta. At upang ipalaganap na higit sa kompetisyon, isa itong daan upang mapalawak ang pagkakaibigan at sportsmanship sa hanay ng mga manlalaro mula sa iba't ibang lugar.
Patunay ang matagumpay na pagsasagawa ng 1st Tayabas Football Festival sa patuloy na pagsuporta ng Lungsod ng Tayabas sa pagpapaunlad ng sports at sa paglinang ng talento ng mga kabataan.