NAGPAKAWALA NG TINATAYANG 25,000 TILAPIA FINGERLINGS sa iba’t ibang ilog sa Lungsod ng Tayabas ang City Agriculture Office kaugnay ng stock enhancement activity ngayong Miyerkules, June 10, 2026.
Ang proyektong ito ay inisyatiba ni Mayor Piwa Lim na naglalayong palakasin at pagyamanin ang yamang-tubig sa Lungsod ng Tayabas at inaasahang madaragdagan ang populasyon ng isda para mapagkunan ng pagkain at source of income ng mga mamamayan. Mapapanatili din nito ang balanseng ekolohiya sa mga ilog.
Layunin nito na mapanatili at maparami ang populasyon ng isda sa mga katubigan kagaya ng Iyam River sa Brgy. Malaoa, Lalo-Alitao River, Ibiyang Maliit River sa Brgy. Camaysa, Dumacaa River sa Brgy. Ibas, Dumacaa River sa Brgy. Mateuna (Malagonlong), at Mawala River sa Brgy. Silangang Katigan.
Pinangunahan ng City Agriculture and Fishery Council (CAFC) ang naturang aktibidad katuwang ang mga pangulo ng iba’t ibang samahan ng mga magsasaka. Nakiisa rin ang mga kapitan at barangay kagawad ng mga nasabing barangay upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng programa.
Ang ganitong programa ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga ng likas na yaman at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Patuloy namang hinihikayat ng City Agriculture Office ang pakikiisa ng mga komunidad sa pangangalaga ng mga ilog upang matiyak ang paglaki at pagdami ng mga pinakawalang tilapia fingerlings para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon.