LIMANG UNIT NG TRAYSIKEL ANG NA-IMPOUND at may ilan ding nabigyan ng Citation Ticket dahil sa paglabag sa iba’t ibang traffic violations sa isinagawang Operasyon Kontra-Kolorum ng mga tauhan ng OCM–Traffic Operations Section noong Miyerkules, June 10, 2026.
Nanguna si Executive Assistant Francis Pasno sa operasyon sa nasasakupan ng Barangay Ipilan at Brgy. San Isidro Zone-1 upang ipatupad ang regulasyon sa pagkakaroon ng prangkisa at ang mga batas sa ilalim ng Republic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009.
Ayon sa OCM–Traffic Operations Section, layunin ng operasyon na mapanatili ang kaayusan sa lansangan, masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at pasahero, at matiyak na ang mga pampublikong sasakyan ay sumusunod sa mga itinakdang batas at regulasyon ng lungsod.
Muling pinaaalalahanan ng tanggapan ang mga tricycle drivers at operators na kumuha ng kaukulang prangkisa kung sila ay namamasada, sapagkat mas malaki ang multa at abalang dulot ng paglabag kumpara sa pagsunod sa mga itinakdang proseso ng pamahalaan.
Dagdag pa rito, magsasagawa rin ng pagmomonitor at koordinasyon sa mga samahan ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) upang matiyak na ang kanilang mga miyembro ay tumatalima sa mga umiiral na alituntunin ng batas.
Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko para sa mas ligtas at maayos na daloy ng transportasyon sa Lungsod ng Tayabas.