12 June 2026

Ika-128 Taon ng Kalayaan, Makabuluhang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Tayabas

Ika-128 Taon ng Kalayaan, Makabuluhang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Tayabas
MALAMAN AT NAGPAPANARIWA SA KASAYSAYAN ANG MGA MENSAHE AT PAGTATANGHAL NA NAKAPALOOB SA PAGDIRIWANG NG IKA-128 TAON NG KASARINLAN sa Lungsod ng Tayabas ngayong Biyernes, June 12, 2026, sa Parke Rizal.

Sa panimulang mensahe ni Mayor Piwa Lim, binigyang-diin niya ang pagpupugay sa mga bayaning Pilipino at mga Tayabasing nag-alay ng kanilang panahon, lakas, at maging ng kanilang buhay upang maipaglaban ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon. Dagdag pa niya, “Ang kanilang kabayanihan ang nagsilbing daan upang mabuo ang bansang malaya at may pagkakataong umunlad. Ngunit ang tunay na halaga ng kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa ating pag-alala sa nakaraan. Ito ay makikita kung paano natin ginagamit ang kalayaang ito upang makapag-ambag sa pag-unlad ng komunidad.”

Malalim at tumuturok din sa puso at isipan ang bawat taludtod ng mensahe ng pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas na inusal ni Ginoong Cris Anthony A. Valderamos ng Tayabas Masonic Lodge No. 43.

Ang panalangin na inialay ng Kapatiran ang Litaw na Katalinuhan ay may direktang mensahe ng pasasalamat sa mga nag-alay ng kabayanihan. Gayundin ang kanilang pagkanta ng “Awit ng Kalayaan.”

Kasama ng iba’t ibang samahan, mga lingkod-bayan at pribadong mamamayan, nanguna sa pagdiriwang sina Mayor Piwa Lim, Konsehal Dino Romero, Konsehal Jerry Talaga, Konsehal Ana Obispo, Konsehal Riza Llaneta, Konsehal Luz Cuadra, Konsehal Carmero Cabarrubias, Konsehal Jerry Caagabay, Konsehal Manny Maraig at SK Federation President Ren Miguel Obdianela.

Ang tanggapan ng Tayabas Culture and the Arts ang nagsibing punong-abala sa pagdiriwang. Kabilang sa mga dumalo ang mga pinuno ng tanggapan ng lokal na pamahalaan, mga kasapi ng KALK, mga tauhan ng Tayabas Component City Police Station, Tayabas BFP-Fire Station, mga Punong Barangay, Federation of Senior Citizens of Tayabas, Knights of Columbus, at iba't ibang sibikong samahan na sama-samang umalala sa kabayanihang ginawa ng mga Pilipinong nagsulong ng pakikipaglaban upang makamtan ang kalayaan ng bansa. Lahat sila ay nag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal.
Nagbahagi din ng mensahe sa mga dumalo sina Konsehal Ana Obispo na siyang pinuno ng Komitiba ng Turismo, Kultura, at Sining, at Miguel Romero na tumatayong pinuno ng tanggapan ng kultura at sining ng Tayabas.

Nag-iwan din ng mahalagang mensahe si Mayor Piwa Lim sa mga Tayabasin. Aniya, “bilang isang Tayabasin maipapakita natin ang pagpapahalaga sa kalayaan, sa pamamagitan ng pagiging responsableng mamamayan, pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad, paggalang sa batas, pangangalaga sa ating kulturang pangkasaysayan at pagtutulungan upang makamit ang isang mas maunlad at mas ligtas na Lungsod ng Tayabas.”

#LungsodnaInyongMaipagmamalaki


Source: Tayabas City CICRO - City Information and Community Relations Office
Ika-128 Taon ng Kalayaan, Makabuluhang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Tayabas
Ika-128 Taon ng Kalayaan, Makabuluhang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Tayabas
Ika-128 Taon ng Kalayaan, Makabuluhang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Tayabas
Shared on
Scroll to Top