NADADAANAN NA ANG 110-METER FARM-TO-MARKET ROAD SA PAGITAN NG BARANGAY POTOL AT SILANGANG DOMOIT matapos itong pormal na i-turn-over ni Mayor Piwa Lim sa Sangguniang Barangay ng Potol noong Martes, June 23, 2026.
Magiging maalwan na ang pagtawid ng mga nakatira sa lugar dahil sa farm-to-market road na nagdurugtong sa Barangay Potol at Silangang Domoit na tiyak na magpapabilis sa pagdadala ng mga produkto sa mga pamilihan.
Sa isinagawang turnover, pormal na ipinagkaloob ni Mayor Piwa Lim ang nasabing proyekto kay Barangay Chairperson Ariel Aranilla. Ayon kay Mayor Piwa LIm, “Mahalagang maisakatuparan ang mga proyektong farm-to-market road upang mapadali ang pagdadala ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan at makatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.”
Kasama ni Mayor Piwa Lim sa okasyon ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na sina Konsehal Jerry Talaga, Konsehal Jerry Caagbay, Konsehal Dino Romero, Konsehal Carmelo Cabarrubias, Konsehal Elsa Rubio, at Konsehal Luz Cuadra. Nakiisa rin sa aktibidad si PKB President Conrado Aragon at City Engineer Christian Tamaño.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Tayabas sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Piwa Lim ang mga proyektong pang-imprastraktura na naglalayong maghatid ng mas maayos na serbisyo at kaunlaran sa bawat barangay ng lungsod.