
22
Feb 2025

Nagtipon-tipon ang mga manlalarong Tayabasin para sa pagbubukas ng ikalwang Mayor Lovely Reynoso’s Cup sa Silungang Bayan ng Tayabas kung saan nagsimula ang Opening Parade na dumaloy sa nalolooban ng poblacion at nagtapos din sa Silungang Bayan ngayong Sabado ng umaga, February 22, 2025.
Matapos ang maikling programa kung saan namigay ng cash prize si Mayor Lovely Reynoso-Pontioso sa mga muse ng bawat team ay agad na sinimulan ang unang round ng labanan sa basketball at volleyball.
Magtutuloy-tuloy ang sagupaan ng mga teams ng basketball tuwing hapon ng Lunes hanggang Biyernes. Samantalang ang laban ng volleyball ay gagawin tuwing Sabado at Linggo sa Silungang Bayan.
Nandoon din ang mga sikat na basketball player na sina Beau Belga at Adrian Nocum ng Rain or Shine. Nagbahagi rin sila ng mensahe sa mga Tayabasin at sinabing “kami po ay nagsimula rin sa maliliit na liga, subalit nagtuloy-tuloy lang po kami sa aming pinapangarap kaya’t nandito kami ngayon. Kung kaya namin, paniguradong kaya niyo rin.”
Sa mensahe ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso ay sinigurado niya ang patuloy na suporta ng Administrasyong Reynoso sa mga gawaing pampalakasan upang ang bawat Tayabasin ay mahubog ang kakayahan lalo’t higit sa larangan ng sports.

