
11
May 2025

Nagtagisan ng husay sa paggawa ng maligat at masarap na suman ang mga kasapi ng Rural Improvement Club (RIC) mula sa Ibabang Palale, Ilayang Palale, Opias, Isabang, Lawigue, Lakawan, at Masin sa isinagawang Paligatan at Pasarapan ng Suman ngayong Linggo, Mayo 11, 2025, sa Bandstand ng Tayabas bilang bahagi ng # MayohanSaTayabasFestival2025.
Ayon sa mga beteranong magsusuman, ang sikreto sa isang perpektong suman ay nasa de-kalidad na malagkit na bigas, tamang timpla bago ibalot sa palaspas, at ang kontroladong lakas ng apoy at haba ng pagkakaluto.
Matapos ang tikiman at maingat na paghuhusga, muling pinatunayan ng RIC Lakawan ang kanilang galing sa paggawa ng suman nang tanghaling kampeon at mag-uwi ng P17,000 na cash prize. Matatandaang sila rin ang nagwagi noong nakaraang Baliskog Festival.
Pumangalawa ang Brgy. Masin na nakatanggap ng P14,000, habang pumangatlo naman ang RIC Opias na ginawaran ng P9,000.
Samantala, ang iba pang kalahok ay tumanggap ng P5,000 bilang consolation prize.
Buong pusong sinuportahan ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso ang nasabing patimpalak, lalo na’t tubong Brgy. Masin ang kanyang pamilya na kilala sa mga pagkaing gawa sa malagkit. Ang aktibidad ay pinangunahan ng Office of the City Agriculturist sa pamumuno ni City Agriculturist Rommel Abuyan, katuwang ang mga masisipag na kawani ng kanilang tanggapan.


Related Articles
Popular Category
Recent Posts
