
16
May 2025
Events
News
Tourism
Libo-libong deboto at namamanata ang dumagsa sa Lungsod ng Tayabas nitong Huwebes, Mayo 15, 2025

Libo-libong deboto at namamanata ang dumagsa sa Lungsod ng Tayabas nitong Huwebes, Mayo 15, 2025, upang makiisa sa taunang Hagisan ng Suman. Isang tampok na bahagi ng Mayohan Festival na patuloy na binibigyang-buhay ng pananampalataya at kultura ng mga Tayabasin.
Kanya-kanyang dalang sisidlan ang bawat isa mula sa bayong, basket, bag, sako, hanggang sa sombrero upang saluhin ang mga inihahagis na suman, pera, pagkain, inumin, at iba pang biyaya. Ang ilan naman ay sumadya upang saksihan at maranasan ang kakaibang sigla ng tradisyong Tayabasin.
Isa sa mga nakiisa sa makulay na selebrasyon ay si Dominic Roque, na naghagis din ng suman bilang handog mula sa PLDT, na isa sa mga sumuporta sa pagdiriwang.
Sa bawat lipad ng suman ay kasabay ang panalangin ng pasasalamat, pag-asa, at pananalig. Hindi lamang ito simpleng hagisan sapagkat ito ay isang ritwal ng pananampalataya ng pamayanang nagkakaisa sa ilalim ng biyayang hatid ni San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.
Ang Hagisan ng Suman ay hindi lamang isang makasaysayang pagdiriwang, kundi isang buhay na patunay ng masaganang ani, malalim na debosyon, at hindi matitinag na diwa ng bayanihan ng mga Tayabasin.


Related Articles
Popular Category
Recent Posts
