
10
May 2025

Nagpamalas ng malikhaing galing ang iba’t ibang barangay, grupo, at establisyemento sa Lungsod ng Tayabas sa patimpalak ng “Tao-Tao Yanong Ganda” bilang bahagi ng selebrasyon ng Mayohan Festival 2025 nitong Biyernes, Mayo 9.
Sa nasabing open category na kompetisyon, nagpasiklaban ang mga kalahok sa paggawa ng kani-kanilang bersyon ng “tao-tao” o scarecrow, gamit ang tradisyunal at katutubong materyales tulad ng kawayan, boho, dayami, at maskara.
Bilang pagbibigay-diin sa kulturang Pilipino, binihisan ang mga tao-tao ng kasuotang Tagalog gaya ng barong, baro’t saya, Filipiniana, at may kasamang sambalilo.
Bawat kalahok ay nagbigay ng natatanging interpretasyon at disenyo upang maipakita ang kanilang pagkakakilanlan at malikhaing pagpapahayag. Tampok sa bawat tao-tao ang makukulay na kasuotan, masining na pagkakayari, at mga simbolismong sumasalamin sa kasaysayan at kultura ng Tayabas.
Itinanghal na kampeon ang Barangay Baguio para sa kanilang “Tao-Tao Yanong Ganda”, na nag-uwi ng P15,000 bilang unang gantimpala. Nasungkit naman ng Nawawalang Paraiso Resort and Hotel ang ikalawang pwesto sa kanilang tao-tao #6, na may premyong P10,000, habang pumangatlo ang Tayabas Mountaineers at tumanggap ng P7,000.
Isinagawa ang awarding ceremony sa Parke Rizal matapos ang engrandeng pagbubukas ng parada para sa ika-37 na Mayohan Festival.
Namuno bilang mga hurado sa patimpalak sina Mr. Rhanz Ramiro, Mr. Gabriel Alphons R. Diaz, at Mr. Christopher Fernandez, na pumili ng mga nagwagi batay sa orihinalidad, ganda ng disenyo, at pagtalima sa temang kultura at sining.


Related Articles
Popular Category
Recent Posts
