LGBT BAHAGHARI FEDERATION OF TAYABAS CITY INC., IPINAGDIWANG ANG PRIDE MONTH AT ARAW NG KALAYAAN

LGBT BAHAGHARI FEDERATION OF TAYABAS CITY INC., IPINAGDIWANG ANG PRIDE MONTH AT ARAW NG KALAYAAN
13 Jun 2025

News

LGBT BAHAGHARI FEDERATION OF TAYABAS CITY INC., IPINAGDIWANG ANG PRIDE MONTH AT ARAW NG KALAYAAN

Makulay at makabuluhang ipinagdiwang ng LGBT Bahaghari Federation of Tayabas City Inc. ang Pride Month kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan nitong Huwebes, Hunyo 12, 2025, sa Bandstand ng Tayabas.
 
Pinangunahan ng federasyon ang isang makulay na parada sa piling bahagi ng lungsod, kung saan sabay-sabay na iwagayway ng mga kasapi ng LGBTQIA+ community ang kanilang makukulay na watawat bilang simbolo ng pagkakaisa, pagmamalaki sa pagkatao, at paninindigan para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay.
 
Bilang bahagi ng selebrasyon, isinagawa ang mga patimpalak tulad ng Best Headdress kung saan itinanghal na kampeon si Vercie Edrad na tumanggap ng tatlong libong piso (₱3,000). Nasungkit ni Kris Abanto ang ikalawang pwesto at nanalo ng dalawang libong piso (₱2,000), habang ang Lesbian Sector naman ang pumangatlo at nakatanggap ng isang libong piso (₱1,000).
 
Sa Best in Costume naman, wagi si Jenny Raymundo bilang 1st Place na tumanggap ng limang libong piso (₱5,000). Nasundan ito ni Dexter Vargas (2nd Place, ₱3,000) at Joana Paula Veloso (3rd Place, ₱2,000).
 
Bukod sa mga paligsahan, inilunsad din ang libreng HIV testing para sa mga lumahok, bilang bahagi ng adbokasiya para sa kalusugan at kamalayan sa komunidad. Isa rin sa mga tampok ng selebrasyon ay ang pormal na pagbubukas ng comfort room para sa LGBTQIA+ community na matatagpuan sa Bandstand ng Tayabas na isang hakbang patungo sa inklusibong pasilidad sa lungsod.
 
Nagbahagi rin ng mensahe ng suporta si G. Romero, habang si Konsehal Eugene Alandy-Dy, Founder ng Quezon’s Pioneer Pride at kinatawan ng STAN, ang nagsilbing panauhing tagapagsalita.
 
Matagumpay na naisakatuparan ang selebrasyon sa pamumuno ni Dadudz Abadilla, Pangulo ng LGBT Bahaghari Federation of Tayabas City Inc.
 
Sa araw ng kalayaan, muling pinagtibay ng komunidad ang panawagang maging malaya ang bawat isa na ipahayag at yakapin ang kanilang pagkakakilanlan sapagkat ang tunay na diwa ng kalayaan ay ang pagkakapantay-pantay at paggalang sa dignidad ng bawat isa.
SHARE ON
Scroll to Top