08
Oct 2024
Dumagsa ang daan-daang matatanda at bata sa Basketball Court ng Barangay Tongko kung saan nakapwesto ang team ng Serbisyong Reynoso Caravan para tangkilikin ang iba’t-ibang serbisyo ng pamahalaang lokal ngayong Martes, October 8, 2024.
Sa espasyo sa gilid ng highway naman nakapwesto ang OCM-MHMERT Mobile Laboratory Clinic kung saan isinasagawa ang laboratory tests sa mga nangangailangan ng ECG, X-Ray at Ultrasound. Nandoon din ang City Dental Office Mobile Dental Bus para sa mga nagpapabunot ng ngipin at oral prophylaxis. Samantalang tuloy-tuloy ang information campaign tungkol sa kalusugan at mga programs on health gamit ang CICRO Audio-Visual Truck.
Ang basketball court na pinagdausan ng Serbisyong Reynoso Caravan ay nasa likod ng oil mill kung saan isinasagawa ang libreng konsulta sa mga doctor at pamimigay ng gamot ng MHMERT; pagbabakuna ng alagang hayop at iba pang serbisyo ng City Veterinary; pagpapabuklat ng rehistro ng kapanganakan sa City Civil Registry; pagproseso ng Tayabazen ID sa ICT Section; pamamahagi ng pananim na halaman at punong kahoy handog ng CENRO; PESO service assistance; libreng pagbabasa at paglalaro handog ng City Library; social services ng CSWDO; at serbisyong pangsakahan ng City Agriculture Office.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Office of the City Mayor- Mobile Health and Medical Emergency Response Team katuwang ang ibat’ibang tanggapan ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas ang caravan.
Dumalaw naman sa caravan sina Konsehal Elsa Rubio at Konsehal Luz Cuadra para makadaupang-palad ang mga residente ng Barangay Tongko.
Kagaya ng palaging pangako ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso “sa Lungsod ng Tayabas ang pag-aalaga sa kalusugan ng mga Tayabasin ay patuloy na prayoridad ng administrasyon.” At ang Serbisyong Reynoso Caravan ay patunay ng pagpapahalaga sa kalusugan ng lahat.