
06
Mar 2025
Education
Health
News
FIRE PREVENTION MONTH: CANVAS PAINTING, SPOKEN WORD POETRY, QUIZ BEE, NILAHUKAN NG MGA PILING MAG-AARAL.

Nagtagisan ng talas ng kaisipan at talino, husay sa pagbigkas ng tula o “spoken word poetry” at canvas painting ang mga mag-aaral sa elementarya at high school sa Lungsod ng Tayabas ngayong Huwebes, March 6, 2025 sa Casa Communidad de Tayabas.
SPOKEN WORD POETRY
Inorganisa ng Bureau of Fire Protection-Tayabas City Fire Station ang spoken word poetry contest kaugnay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month na may temang “Sa Pamayanang Nagdadamayan, Sunog ay Maiiwasan.”
Nangibabaw ang husay ng sampung (10) junior high school students na kalahok sa pagbigkas ng tula na sarili nilang akda, angkop sa tema, may kaugnayan sa sariling karanasan, tumutukoy sa kahalagahan ng preventive measures, at epekto sa komunidad at katatagan.
Sa huli, tinanghal na Champion si Mark Jayson C. Cabalsa ng Luis Palad Integrated High School, na siya ring kakatawan sa BFP-Tayabas sa Provincial Spoken Word Poetry Contest. Nakuha naman ni Janna Gail B. Bautista ng LPIHS ang 2nd Place. Samantalang 3rd Place winner si Ariane Joyce M. Reniva ng Talolong Integrated School.
QUIZ BEE
Tatlumpu’t anim (36) na elementary pupils naman buhat sa iba’t ibang paaralan sa Lungsod ng Tayabas ang lumahok sa Quiz Bee kaugnay ng Fire Prevention Month.
Sinubok ang kaalaman ng mga mag-aaral sa mga katanungan tungkol sa fire prevention na hinati sa tatlong kategoriya – easy, medium and difficult.
Tinanghal na champion si Paige Candice M. Acesor ng Maryhill College-Avida. Pumangalawa si Jhudiel Rynne M. Torres ng Tayabas East Central School, at pangatlo si Maerielle Felisha M. Balbuena ng Casa del Niño Jesus de Tayabas.
CANVAS PAINTING
Gamit ang acrylic o oil paints, diretsong inilapat ng mga kalahok na junior high school students sa canvas ang kanilang artistic interpretation ng kahalagahan ng kaalaman tungkol sa fire prevention.
Naging batayan sa canvas painting ang temang “Sa Pamayanang Nagdadamayan, Sunog ay Maiiwasan.”
Sa labindalawang (12) kalahok, itinanghal na panalo si Mary Joy D. Reynales ng Rosario Quezada Integrated National High School. Pumangalawa si Grinela Denise G. Lado ng Buenaventura Alandy National High School, at pumangatlo si Shaina R. Cabañas ng San Roque Parochial School.
Gagawin ang awarding ceremony sa March 24, 2025, pagkatapos ng flag ceremony sa New Tayabas City Hall.
Ang Fire Prevention Month 2025 Games and Contest ay matagumpay na naisagawa ng bumubuo ng BFP-Tayabas City Fire Station sa pamumuno ni FSINP Morris M Callejo.
Kabilang sa mga nakiisa at nagbigay ng suporta sa Canvas Painting, Spoken Word Poetry at Quiz Bee ang mga guro, principal at pamunuan ng SDO Tayabas City. Gayundin ang mga tumayong hurado kabilang sina FO1 Eliezer S. Cayco, Christine Joy Carandang at Willy Tomines sa Spoken Word Poetry; Arch. Elizabeth Enriquez, CDRRMO Che Bandelaria, at Renato Edrad na kumatawan kay Mayor Lovely Reynoso-Pontioso sa Canvas Painting Contest.
Nagbigay suporta rin si Mayor Lovely Reynoso-Pontioso na siyang sumigurado na may sapat na pondo para sa pagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso. May panawagan din siya sa mga kababayan na mag-ingat at matuto para makaiwas sa sunog.

