
26
Feb 2025

“Nakakatuwa na makita kong muli ang mga estudyante na bunga ng isang pangarap. Pangarap mula noon pa ni Mayor Ernida Agpi Reynoso. Nagsimula lang po tayo sa maliit na kolehiyo, nagsimula lang tayo sa isang pangarap na hindi natin akalain na dadami, lalago, at huhusay ng ganito ang ating paaralan. Alam nyo po ba na ang isang magulang, maraming pangarap para sa kanyang mga anak. Pero kung ang pangarap na ‘yon ay nahigitan pa, tunay po na lubos-lubos ang kaligayahan ng mga magulang. Bilang inyong ina ng Lungsod ng Tayabas, punong-puno po ang aking puso tuwing nakikita ko ang mga kagaya niyo. At ngayong sportsfest, lahat ay sama-sama, nagkakaisa sa iisang layunin. Bukludin at pag-isahin ang mga mag-aaral para sa kagalingan ng bawat isa. ”– Mayor Lovely Reynoso-Pontioso.
Maagang pumarada ang mga estudyante ng Colegio De La Ciudad De Tayabas mula sa kanilang paaralan patungo sa Silungang Bayan ng Tayabas upang simulan ang pagbubukas ng CCT Sportsfest 2025 ngayong Miyerkules, February 26, 2025.
Matapos ang parada ay agad sinimulan ang pagpili ng Mr. and Ms. Sportsfest at team yell competition. Naging hurado sina Ivan Kim Talisic, Neil Justin Tarlac, at Dadudz Abadilla.
Agad itong sinundan ng Basketball at Volleyball games na kinapapalooban ng Silver Robots – Bachelor of Science in Computer Science, Pink Panther – Bachelor of Science in Tourism Management, Blue Phoenix – Bachelor of Culture and Arts Education, at Yellow Hornets – Bachelor of Science in Entrepreneurship.
Namigay din si Mayor Lovely Reynoso-Pontioso ng basketball shoes at jersey para sa mga magigiting na player ng CCT.
Dumalo sa opening ceremony sina OIC-College Administrator Dr. Florenitte Cabuyao-de Guzman, VPAA Dr. Rogel L. Limpiada, Dr. Maricel Maranan, Dr. Jhoana Lizette N. Hill, Dr. Maria Cecilia G. Cantos, Dr. Michael Pureza, Mr. Darren Laracas bilang kinatawan ni Konsehal Elsa Rubio, at Ms. Grace Lacorte bilang kinatawan ni Vice Mayor Rosauro “Oro” Dalida.
Ang CCT Sportsfest 2025 ay tatagal hanggang Biyernes, February 28, 2025.

