ISINAGAWA ANG KARERA NG KALABAW SA BARANGAY MASIN

ISINAGAWA ANG KARERA NG KALABAW SA BARANGAY MASIN
07 May 2025

Events

News

Tourism

ISINAGAWA ANG KARERA NG KALABAW SA BARANGAY MASIN

“Ang kalabaw, simbolo ng kasipagan at katatagan, ngayon naman ay naghahagaran.” Ganito isinalarawan ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso ang naganap na karera ng mga kalabaw sa kaparangan ng Barangay Masin, Lungsod ng Tayabas.
 
Labimpitung (17) kalabaw ang maagang inarenda ng kanilang mga amo papuntang kaparangan ng Masin ngayong Miyerkules, May 7, 2025, para isali sa taunang karera ng mga kalabaw. Todo postura ang ilan sa mga kalabaw, maging ang kanilang tagapag-arenda upang makuha ang mga inaaasam na papremyo at pagkilala.
 
Kasing-agap ng mga kalahok na dumating sa lugar na pagdadausan ng karera si Mayor Lovely Reynoso-Pontioso na sinalubong ng mga kawani ng Office of the City Agriculturist sa pamumuno ni Rommel Abuyan, mga opisyal ng Barangay Masin, mga miyembro ng iba’t ibang samahan ng magsasaka, mga residente ng Masin at karatig-barangay.
 
Matapos ang rumaragasang tagisan, tinanghal na kampiyon ang alagang kalabaw ni Felix Casiño na may cash prize na P7,500. Pumangalawa ang kalabaw ni Noriel M. Aranilla na may cash prize na P6,000. At pangatlo ang alaga ni Roque L. Macasinag na nag-uuwi ng P4,500 cash prize.
Ginawaran naman ng Best in Costume award ang alagang kalabaw ni Bernardo P. Padrique na nagkamit ng P2,000 cash prize.
 
Lahat ng kalahok na hindi pinalad manalo ay tumanggap ng P2,000 consolation prize.
 
Ang mga kawani ng Office of the City Agriculturist ang namahala sa isinagawang Karera ng Kalabaw bilang bahagi ng Mayohan sa Tayabas Festival 2025.
SHARE ON
Scroll to Top