
03
Mar 2025
News
HANGGA’T MAY PASAWAY AT KOLORUM, TULOY ANG PAGLALATAG NG OPERASYON!

Hindi pa rin nauubos ang mga pasaway na motorista. Naglipana pa rin ang mga kolorum na tricycle. Kaya tuloy pa rin ang paglalatag ng operasyon para manghuli ng mga traffic violators.
Ngayong Lunes, March 3, 2025, umabot sa labingtatlo ( 13 ) traffic violators ang nahuli at na-isyuhan ng citation ticket na may kaukulang multa. Dalawa (2) ang kolorum, apat ( 4 ) ang walang lisensya, dalawa (2) ang hindi rehistrado ang motor. Lima (5) sa kanila ang may dobleng violation dahil sa pagmamaneho ng walang helmet.
Muling nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng OCM-Traffic Operations Section at Tayabas Component City Police Station para sitahin ang mga hindi pa rin sumusunod sa batas.
Unang layunin ng operasyon na mapasunod ang mga namamasadang tricycle driver sa mga patakaran at panuntunan na nakapaloob sa City Traffic Ordinance Number 21-27. Bukod sa pag-impound sa mga nahuling kolurum ay pagmumultahin sila ng halagang limanlibong piso (P5,000).
Patuloy na nagpapaalala ang mga tauhan ng Traffic Operations Section na sumunod sa batas trapiko at ibang alituntunin sa kalsada upang maiwasan ang abala at multa sa paglabag.
Pinapakiusapan rin ang sinumang may-ari ng mga tricycle na wala pang prangkisa na magproseso sa business permit and licensing office (BPLO) upang hindi na makapagmulta at maging patas sa mga lehitimong drayber at operator na may valid na prangkisa.

