16
May 2024
MAYOHAN FESTIVAL || HAGISAN NG SUMAN. LIBONG-LIBONG TAO. LIBO-LIBONG SUMAN.
Bukod sa malakas na himig ng “Viva San Isidro!”, malakas ding pumapailanglang ang sigaw na “Mayora! Mayora!” nang tumapat ang prusisyon sa harapan ng Casa Communidad. Na sinundan paglampas ng Poon nang pag-ulan ng suman na inihagis ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso mula sa bintana ng casa.
Para sa mga kasama sa Hagisan ng Suman, ang bawat suman na kanilang nasasambot ay simbolo ng biyaya at pag-asang hatid ng Patron ng Magsasaka at Manggagawa, San isidro Labrador. Samantalang para sa mga naghahagis ng suman, ang bawat piraso ng suman na kanilang inihahagis ay sumisimbolo sa pagbabahagi ng biyayang kanilang nakamit sa tulong ni San Isidro.
Sa Hagisan ng Suman ngayong taon, libo-libong tao ang dumagsa para sumama sa prusisyon ni San Isidro, at upang makabahagi sa libo-libong suman na ihahagis buhat sa mga kabahayan.