
10
May 2025

Bilang tampok na bahagi ng Mayohan sa Tayabas Festival 2025, inilunsad nitong Biyernes, Mayo 9, ang taunang patimpalak na “Sambalilo Yanong Ganda” na may temang Kultura, Kulay, at Kasaysayan ng Mayohan. Kabilang ito sa makulay at masiglang Parada ng Mayohan, kung saan ipinamalas ng bawat tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Tayabas ang kanilang malikhaing gawang sambalilo.
Ang kompetisyon ay bukas lamang sa mga kawani ng bawat departamento at seksyon ng LGU Tayabas. Layunin nitong ipakita ang galing, sining, at kultura ng lungsod sa pamamagitan ng disenyo ng sambalilo at ito ay ang tradisyonal na sombrerong gawa sa buntal na isinusuot o iwiniwagayway habang nagmamartsa sa parada.
Iba’t ibang disenyong may kahanga-hangang detalye at malikhaing pagpapahayag ang ipinamalas ng mga kalahok, bunga ng dedikasyon at pagtutulungan ng bawat tanggapan.
Sa kategoryang solo entry, wagi ang entry #2 ng Colegio de la Ciudad de Tayabas na nag-uwi ng P5,000 bilang unang gantimpala. Pangalawa naman ang City Health Office na tumanggap ng P3,000, at pangatlo ang City Environment and Natural Resources Office na nakatanggap ng P2,000
.
Samantala, sa group entry, itinanghal na kampeon ang City Legal Office sa kanilang sambalilo #20 at tumanggap ng P10,000. Nasungkit ng City Engineering Office (sambalilo #9) ang ikalawang pwesto at premyong P7,000, habang ikatlong pwesto naman ang City Civil Registry Office, na tumanggap ng P5,000.
Naglingkod bilang mga hurado sa nasabing patimpalak sina Mr. Rhanz Ramiro, Mr. Gabriel Alphons R. Diaz, at Mr. Christopher Fernandez, na pumili ng mga nagwagi ayon sa itinakdang pamantayan ng timpalak.
Ang “Sambalilo Yanong Ganda” ay patunay ng masiglang sining, kultura, at pagkakaisa ng mga Tayabasin sa taunang selebrasyon ng Mayohan.

