
04
May 2025

Tila nakiayon ang panahon sa pagsasagawa ng kauna-unahang Bakuli Fishing Competition sa Dumacaa River, sakop ng Barangay Mateuna, ngayong Lingo, May 4, 2025.
Pitumpung (70) mamimiwas ang nakilahok sa patimpalak na inilunsad ng Tayabas Sports Fishing Club bilang bahagi ng Mayohan sa Tayabas 2025.
Bahagyang umulan sa kasagsagan ng paligsahan na nakatulong upang maginhawahan ang mga mamimiwas at mas makarami ng mahuhuling bakuli.
Ang bakuli ay isang uri ng isda na tumitira sa mga ilog o fresh water fish. May scientific name na channa striata, ang bakuli ay tinatawag din na maliit na dalag.
Bukod sa bakuli, kabilang din sa maaaring mahuli ang dalag, tilapia at hito.
Ang tatanghaling panalo ayun sa itinakdang panuntunan ng organizer ay tatanggap ng trophy at P1500 cash prize. Trophy plus P1000 sa pangalawa, at trophy plus P500 sa pangatlo. May consolation prize na P500, at trophy sa makakahuli ng dalag, tilapia at hito.
Pinangunahan ni Tayabas Sports Fishing Club President Aldo Jastiva at Vice President Fernando Dioneda ang pamahahala sa kumpetisyon.
Nag-aanyaya naman si Mayor Lovely Reynoso-Pontioso sa lahat na saksihan at makilahok sa mga aktibidad na nakapaloob sa Mayohan Sa Tayabas 2025 na tatagal hanggang May 18, 2025.

